WATCH: Truck, bumangga sa poste ng LRT extension sa Marcos Highway, 1 ang patay, 1 sugatan

Kuha ni Jan Escosio
Kuha ni Jan Escosio

Patay ang isang pahinante ng dump truck matapos sumalpok sa isang poste ng ginagawang LRT 2 extension sa Marcos Highway, Marikina City.

Madaling araw nang maganap ang aksidente pero nahirapan ang mga otoridad na maialis sa lugar ang truck at mahugot mula sa loob nito ang naipit na biktima.

Ayon sa mga nakasaksi, ang dump truck na may plakang RKN 188 ay nakikipagkarera umano sa isang kotse sa bahagi ng eastbound lane ng Marcos Highway patungong Masinag bago naganap ang pagsalpok.

Dahil ginagawa pa lamang ang LRT extension, napapalibutan ng scaffolding ng ang posteng sinalpok ng truck kaya naging delikado para sa mga motorista at mga rescuer na lapitan ang truck sa pangambang guguho ang scaffolding.

Ayon kay Mang Boy, tindero ng lugaw sa lugar, kitang-kita niya kung paano nakikipagkarera ang dump truck sa isang kotse at ang dalawang sasakyan ay patungo sa direksyon ng Masinag, Antipolo City.

Samantala, isang guwardiya na nagbabantay sa ginagawang proyekto ang nasugatan din sa aksidente.

Nabatid na nabali ang buto sa hita ni Ronilo Absuelo dahil sa pagkakahulog mula sa tuktok ng scaffolding.

Nagdulot ng matinding pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan ang aksidente partikular na sa mga nagmula ng Masinag dahil kailangag isara ang apat sa limang linya ng westbound lane ng Marcos Highway.

Samantala ang driver ng dump truck ay agad ding isinugod sa ospital at matapos gamutin ay dinala na ito sa istasyon ng pulisya ng lungsod ng Marikina.

Read more...