(Update) Iniutos ng Korte Suprema ang pansamantalang paglaya ni Senador Juan Ponce Enrile na naka-hospital arrest sa PNP General Hospital.
Si Enrile ay nahaharap sa kasong plunder at graft dahil sa umano’y paglustay sa kanyang pork barrel fund.
Sa deliberasyon ng Kataas-taasang Hukuman ngayong araw na ito, nagpasya ang mga mahistrado na katigan ang petition for certiorari ni Enrile na humihiling ng pansamantalang kalayaan bilang pagsasa-alang-alang sa humanitarian consideration.
Tinukoy ng Korte Suprema ang kalagayan ng kalusugan ni Enrile, ang kanyang edad na 91, ang findings ng doktor ng gobyerno sa kanyang kalagayan pati na ang mahabang panahon sa public service ni Enrile.
Ayon sa Korte Suprema, nakagawa ng grave abuse of discretion ang Sandiganbayan nang ibasura nito ang petition for bail ni Enrile sa kabila ng pangangailangan na ito ay aprubahan.
Binalewala umano ng Sandiganbayan ang malinaw na kondisyon sa kalusugan at edad ni Enrile.
Malabo umanong maging flight risk o makatakas si Enrile dala na rin ng kanyang medical condition, ng kanyang katayuan sa lipunan at pulitika, idagdag pa ang kanyang kusang pagsuko sa mga otoridad.
Kaya para matugunan nang husto ang medical condition ni Enrile at makita ng mga mahuhusay na doktor, makatwiran at makatao lamang na ito ay payagan ng Korte ang kanyang provisional liberty.
Masusi umanong binalanse ng Supreme Court ang timbangan ng hustisya sa pamamagitan ng pagkunsidera sa interes ng mamamayan sa pamamagitan ng pagtiyak na si Enrile ay sisipot sa mga pagdinig, pero sa gitna nito ay binigyan din nila ng konsiderasyon na maigawad sa senador ang due process at ang presumption na siya ay inosente hanggang hindi pa napapatunayang guilty sa kaso.
Nakasaad sa desisyon na immediately executory ang utos na pagpapalaya kay Enrile maliban na lamang kung may iba pa siyang kasong kinakaharap.
Nagtakda naman ng isang milyong pisong pyansa ang Korte Suprema para sa senador.
Samantala, kinondena naman ng mga human rights groups ang pag-apruba ng Korte Suprema sa petisyon ni detained senator Juan Ponce Enrile na makapag-piyansa.
Sinabi ni Cristina Palabay, ang Secretary-General ng grupong Karapatan, na patunay lang ito na magandang lugar ang Pilipinas para sa mga kriminal, mandarambong at mga lumalabag sa mga karapatang-pantao. – Ricky Brozas/Jan Escosio