Ito ay kasabay ng pagkumpirma ni DND Sec. Delfin Lorenzana na mayroon ngang namataan na survey ship na pag-aari ng China sa bahagi ng Benham Rise na sakop ng teritoryo ng bansa.
Sa idinaos na National Defense College of the Philippines Defense Forum sa Camp Aguinaldo, inamin ni Lorenzana na namataan ang Chinese survey ship base sa satellite photos at nakuha nilang incident reports.
Aminado naman si Lorenzana na hindi pa malinaw sa ngayon ang rason ng paglalayag ng barko ng China sa Benham rise pero posible umano na naghahanap ang Chinese military ng paglalagyan ng kanilang submarino.
Iginiit ni Lorenzana na unang namataan ang mga nabanggit na survey ship simula pa noong isang taon.
Tatlong buwan umano na namalagi ang survey ship sa Benham Rise na nagsu-survey ng seabed para sa kanilang mga submarine.
Dahil dito, inatasan na ng defense chief ang Philippine Navy na kung mayroon ulit na mamataan na survey ship ay sitahin ito at itaboy palayo sa silangan bahagi ng bansa.
Ang Benham Rise na may lawak na 13-million hectare ay mayaman sa natural gas.