WATCH: 3 empleyado ng Mighty Corporation huling nagtatapon ng bulto-bultong sigarilyo sa Parañaque City
Arestado ang tatlong empleyado ng kontrobersyal na Mighty Corporation matapos mahuling nagtatapon ng bulto-bultong sigarilyo sa Parañaque City.
Kahon-kahon ng iba’t ibang tatak ng mga sigarilyo na pag-aari ng kumpanyang Mighty Corporation tulad ng Chelsea at Marvels ang itinambak sa tapunan ng basura sa Brgy. San Isidro.
Kwento ng isang tauhan ng City Environment and Natural Resources Office o CENRO, sinita na nila ang mga suspect na sina Elmer Quintero, June Mar Luna, at John Rey Linatoc nang makita nila itong nagtatapon ng mga sigarilyo mula sa sinasakyang L300 van.
Pero matapos ang ilang oras, bumalik pa ang mga ito at nagtapon ulit dahilan para kanilang itimbre na sa pulisya.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 825 o Anti-Littering Law at City Ordinance ang tatlong suspect.
Ayon sa CENRO, bagamat tapunan talaga ng basura ang lugar, labag sa batas na magtapon ng bultong basura ang hindi taga-rito.
Napag-alamang galing sa warehouse ng Mighty Corporation sa Muntinlupa City ang mga sigarilyo.
Inaalam pa naman ng pulisya kung bakit itinatapon ng mga suspect ang mga sigarilyo.
Matatandaang ipinaaresto na ni Pang. Rodrigo Duterte ang may-ari ng Mighty Corporation na si Alex Wongchuking sa umano’y economic sabotage dahil sa paggamit ng mga pekeng tax stamps.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.