Sariling tax stamps, pineke ng Mighty ayon sa BIR
Lumabas sa magkakahiwalay na reports ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Irsis Corp. noong nakaraang taon na pinepeke ng kumpanya ng sigarilyo na Mighty Corp. ang kanilang sariling tax-paid stamps.
Bukod dito, hinihinala rin na sinamantala ng kumpanya ang umano’y overprinting ng mga cigarette tax stamps ng government-controlled printer.
Noong nakaraang Disyembre, isinumite kay BIR Commissioner Caesar Dulay ang isang progress report tungkol sa imbestigasyon sa overprinting umano ng APO Production Unit sa mga internal revenue stamps na inilalagay sa mga pakete ng sigarilyo.
Ito kasi ang nagsisilbing patunay na nabayaran na ng mga cigarette manufacturers ang mga excise taxes sa ilalim ng sin tax reform law.
Sa kabila nito, aminado naman si Dulay na laganap ang pamemeke sa mga stamps na dahilan ng pagkalugi ng pamahalaan sa bilyun-bilyong kita.
Napag-alaman na maraming stamps pala ang idineklarang “defective” ng APO, ngunit kulang sila sa internal control na posible sanang tumukoy sa kung saan dadalhin ang mga ito.
Mula naman noong 2014 hanggang 2016, umabot sa 13.5 milyong stamps ang idineklarang defective, at bukod dito, may mga “bad orders” din na ibinalik ng mga cigarette manufacturers ngunit inimbak lang din sa bisinidad ng APO.
Nadiskubre din na ilang QR codes na dapat ay naiiba sa bawat stamp ng bawat pakete ng sigarilyo, ang na-regenerate o nagamit nang ilang beses.
Base sa mga sources ng BIR, mahigit 500 records ng invalid stamps ay may taglay ng QR codes na bahagi ng orders ng Mighty Corp. noong 2005.
Lumabas rin sa imbestigasyon na ang supplier ng APO para sa silver ink at supplier ng ink ng Mighty ay iisa lang, at ito ay ang Asa Color Trading Corp.
Pareho din ang contract supplier ng dalawa para sa base printing.
Nabatid naman ng Commission on Audit na hindi nagtugma ang inventory report ng APO sa report ng independent auditor noong 2014.
Dahil dito, posibleng nagkaroon ng leakage bunsod ng deficiency sa mga records ng raw materials na ginagamit sa produksyon ng tax stamps.
Ayon naman sa report ng Irsis Corp. na may hawak sa delivery ng security features, ordering at monitoring system ng tax stamp system, tanging Mighty Corp. lang ang organisasyong may access sa kanilang inorder at inilabas na tax-paid stamps kaya masasabing pinepeke ng kumpanya ang kanilang sariling tax-paid stamps para gamitin ang mga ito sa mga iligal na pakete.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.