Mga senador, hati ang desisyon kaugnay ng death penalty bill
Base sa kaniyang sariling bilang, naniniwala si Sen. Panfilo Lacson na malabong maipasa sa Senado ang panukalang muling pagbuhay sa death penalty.
Gayunman, kinontra ito ni Sen. Manny Pacquiao na nagsabing kabaliktaran ang lumabas sa kaniyang bilang.
Ayon kay Lacson, sa kaniyang bilang, hindi umabot sa 12 na mga senador na kaniyang nakausap ang boboto pabor sa panunumbalik ng parusang bitay kaya malabo itong makalusot sa Senado.
Aniya pa, wala namang pressure sa kanila na sundan ang ginawa ng Kamara, at na boboto sila nang naaayon sa kanilang paniniwala, paninindigan at kung ano ang sa tingin nila ang tama.
Ayon naman kay Senate Majority Leader Vicente Sotto III, hindi nila prayoridad ang nasabing panukala pero tiniyak naman niyang aaksyunan nila ito.
Sa ngayon kasi ay isinantabi muna ni Senate committee on justice chairman Richard Gordon ang panukalang ito “indefinitely.”
Mananatili itong ganito hangga’t hindi naglalabas ang Department of Justice (DOJ) ng opinyon tungkol sa kung paano ito makakaapekto sa commitments ng Pilipinas sa international conventions na nagbabawal sa death penalty.
Dagdag pa ni Sotto, wala namang ibinigay si Gordon na anumang timeline kung kailan isasalang sa debate sa plenaryo ang naturang panukala.
Inaasahan naman na ng senador ang mahabang debate tungkol dito, na posibleng tumagal aniya ng tatlo hanggang apat na linggo simula sa Mayo, kung kailan sila babalik mula sa kanilang Holy Week break.
Samantala, ayon naman kay Pacquiao, nasa 14 o 15 na senador ang nakausap niyang pabor sa panukala.
Ani Pacquiao, ipapaliwanag niya sa kaniyang mga kapwa senador ang “wisdom” sa pagbuhay sa parusang bitay, dahil hindi naman na aniya ang batas sa lupa ang pinaguusapan dito kundi ang kapangyarihang ibinigay ng Diyos na ipatupad ang capital punishment.
Para naman kay Senate President Koko Pimentel, posibleng maging 10-14 ang makuha nilang boto, habang nanindigan naman si Sen. Franklin Drilon na mananatiling anti-death penalty ang mga miyembro at kaalyado ng Liberal Party sa Senado. / Kabie Aenlle
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.