Lopez kay Rep. Zamora: Pumatay ng bundok ang kapatid mo

 

Inquirer file photo

“Tell your brother he totally killed the mountain.”

Walang paliguy-ligoy itong sinabi ni Environment Sec. Gina Lopez kay San Juan City Rep. Ronaldo Zamora sa kalagitanaan ng kaniyang confirmation hearing sa Commission on Appointments (CA) kahapon.

Iprinisenta ni Lopez sa komisyon ang kaniyang mga plano para sa mga maaapektuhan ng kaniyang kautusan noong nakaraang buwan na ipasara ang mahigit 20 na minahan at pagsuspinde sa mahigit 70 kontrata ng mga mining companies.

Habang ginagawa ito ay biglang itinuon ni Lopez ang kaniyang atensyon kay Zamora, na vice chairman ng CA, at sinabing “Sorry, Mr. Chairman but that’s your mine,” nang tukuyin niya ang Hinatuan Mining Corporation.

May nag-tama kay Lopez, kaya’t nilinaw niya ito at sinabing “That’s your brother’s mine.”

Ani Lopez, 20 taon na ang pagmimina sa nasabing lugar at malaki pa ang bundok nang magsimula ito ngunit ngayon ay lumiit na.

Dahil dito, bumanat pa si Lopez at sinabi sa kongresista, na sabihin sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Manuel Zamora na pumatay ito ng isang bundok.

Si Manuel Zamora ang founder at chairman ng Nickel Asia Corporation na isa sa pinakamalalaking minahan sa bansa.

Samantala, nilinaw naman ni Rep. Zamora na wala siyang anumang economic o financial interests sa mga kumpanya ng kaniyang kapatid, at nasanay na siya sa mga ganitong banat sa kaniya mula nang pasukin niya ang mundo ng pulitika.

Read more...