Duterte sa napapatay na mga mahihirap sa drug campaign- ‘Wala tayo magawa e’
Wala tayong magagawa.
Ito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang tugon sa ilang grupo na nagsasabing tanging mga mahihirap lamang ang napapatay sa kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon.
Sa talumpati nito sa 10th Philippine Councilors League sa Pasay City, sinabi ng Pangulo na kailangan talagang sirain ang aparato sa pagkalat ng droga.
“Sabi nila, puro mahirap ‘yan e wala nga tayong magawa e. Naghihintay siguro ‘yan silang mag-recruit ng mga milyonaryo, wala namang mayaman mag-istambay diyan sa lugar mo, sa munisipyo mo. ‘Yun talagang mahirap yan nga ang problema, so what do you…We have to destroy the apparatus, it means people killed, wala talaga tayo magawa’” pahayag ng pangulo.
Binanggit rin ng pangulo na kailangan ring sirain ang puno’t dulo ng droga.
Kailangan aniya na ‘yariin’ lahat upang masugpo ang iligal na droga sa bansa.
Kinastigo rin ng pangulo sa kanyang talumpati ang pagtukoy sa mga napapatay sa kampanya kontra droga ng pulisya bilang mga mistulang biktima.
Giit nito, malimit na armado ang mga suspek na napapatay ng mga otoridad sa tuwing nagsasagawa sila ng operasyon kaya gumaganti lamang ang mga pulis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.