Mga ‘special cases’ na pensioners, may dagdag na P1,000 sa SSS
May hiwalay na makukuhang dagdag na isanlibong piso (1,000) ang mga pensyonadong may ispesyal na kaso o special cases mula sa Social Security System (SSS).
Inanunsyo ng SSS na may hiwalay na petsa para mai-withdraw ang P1,000 dagdag benepisyo para sa mga pensyonadong ispesyal ang kaso.
Sinabi ni SSS President and Chief Executivie Officer Emmanuel F. Dooc na kinailangang magsagawa ang SSS ng special program para sa halos 10 porsyentong ng mga pensyonado na hindi tumatanggap ng buwanang pensyon noong naaprubahan ang P1,000 dagdag pensyon noong Enero 10 dahil iba ang komputasyon ng kanilang pensyon depende sa estado ng kanilang pensyon.
Sinabi ni Dooc na halos nasa 10 porsyento lamang o mahigit 242,000 ng 2.2 milyong pensyonado ng SSS ang makakatanggap ng P1,000 dagdag benepisyo sa mga nasabing petsa.
Kasama sa mga pensyonado na makakatanggap ng P1,000 dagdag benepisyo sa Marso 31 ay iyong mga nasa ilalim ng Special Pension Systems kabilang ang death claim na higit sa isa ang tumatanggap ng pensyon at ang isa ay overpaid; benepisyaryo na may withheld share; pati na ang mga pensyonado na saklaw ng Bilateral Social Security Agreement sa pamagitan ng Pilipinas at ibang bansa gayundin ang Portability Law.
Gayundin, ang mga pensyonado na nasuspinde dahil sa hindi pag-report sa Annual Confirmation of Pensioners ngunit nakatakda nang tanggapin ang kanilang buwanang pensyon ngayong Enero hanggang Marso, ay matatanggap ang dagdag benepisyo ngayong Marso 31, basta nakapag-report na sila sa SSS na ituloy ang kanilang buwanang pensyon.
Samantala, ang mga retiree pensioners na nag-avail ng advance 18 months retirement pension mula Agosto 2015 ay makakatanggap ng P1,000 dagdag benepisyo sa Mayo 12 at saklaw nito ang mga natitirang buwan mula Enero 2017.
Ang ibang uri ng pensyonado na nakatakdang makatanggap ng dagdag benepisyo sa Mayo 12 ay ang partial disability pensioners na hindi lalagpas sa 12 buwan ang nabayarang lump sum. Ang dagdag P1,000 kada buwan ay magsisimula ng Enero 2017 at sakop ang mga natitirang buwan ng kanilang disability pension
Ang mga pensyonado na kumuha ng tatlong buwan advance pension dahil sa bagyong Lawin at Nina noong nakaraang taon ay babayaran ng dagdag benepisyo sa Mayo 26.
Tanging 13,000 pensyonado na may hindi nabayarang loans ang hindi makakatanggap ng P1,000 dagdag benepisyo para mabayaran ang balanse ng kanilang utang sa SSS. Magsisimula silang makatanggap ng regular na pensyon kasama ang P1,000 dagdag benepisyo oras na nabayaran na nila ng buo ang kanilang utang.
Maari naman aniyang tumawag sa SSS hotline sa numerong 920-6446 hanggang 55 o mag-email sa [email protected] ang mga pensioners na nais ng karagdagang impormasyon at paglilinaw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.