Full implementation ng Odd/Even scheme ikinukonsidera pa rin ng MMDA
Hindi tuluyang isinasara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang tuluyang pagpapatupad ng odd/even scheme sa mga sasakyan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni MMDA General Manager Tim Orbos na sa ngayon ang modified odd/even scheme ang sinusubukan nilang paaprubahan sa Metro Manila Council.
Ito ay ang tig-dadalawang oras na pagbabawal sa mga pribadong sasakyan sa takdang oras depende kung even o odd ang huling numero ng kanilang plaka.
Batay sa target ng MMDA, may tig-dadalawang oras na bawal bumaybay sa kahabaan ng EDSA ang mga pribadong sasakyan mula alas 7:00 ng umaga hanggang alas 9:00 ng gabi.
7:00 A.M. to 9:00 A.M. – bawal ang sasakyan na ang ending ng plaka ay Odd
9:00 A.M. to 11:00 A.M. – bawal ang sasakyan na ang ending ng plaka ay Even
11:00 A.M. to 1:00 P.M. – grace period
1:00 P.M. to 3:00 P.M. – bawal ang sasakyan na ang ending ng plaka ay Odd
3:00 P.M. to 5:00 P.M. – bawal ang sasakyan na ang ending ng plaka ay Even
5:00 P.M. to 7:00 P.M. – bawal ang sasakyan na ang ending ng plaka ay Odd
7:00 P.M. to 9:00 P.M. – bawal ang sasakyan na ang ending ng plaka ay Even
Sinabi ni Orbos na dadaan pa ito sa masusing konsultasyon, pagpupulong at paliwanagan para maaprubahan ng Metro Manila Council.
Kabilang aniya kasi sa gustong matiyak ng Metro Mayors ay maayos ang mga alternatibong daan na pwedeng gamitin ng mga motorista kapag bawal sila sa EDSA.
Sa sandaling maipatupad ang modified odd/even scheme, sinabi ni Orbos na luluwag ang EDSA at ang biyahe ay magiging kasing bilis ng biyahe kapag araw ng Linggo.
Mula sa kasalukuyang 19 kph na takbo ng mga sasakyan sa EDSA ay magiging 40 kph ang bilis.
Sa April 4 muling makikipagpulong ang MMDA sa Metro Manila Council para mas maipaliwanag ang plano.
Pero ayon kay Orbos, hindi naman nila tuluyang isinasara ang posibilidad na magkaroon ng full implementation ng odd/even sa mga sasakyan.
“Baka doon din pumunta (sa full implementation ng odd/even), baka nga mas tama iyon. Ang sa amin lang kung ano ang mas magandang sistema ay mailahad natin sa publiko,” sinabi ni Orbos.
Lahat aniya ng ideya at suhestyon ay bukas namang pag-aralan ng MMDA at talakayin sa Metro Manila Council.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.