Pangulo tinangkang suhulan bilang pabor sa Mighty Corporation
Personal na nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pangulo at may-ari ng Mighty Corporation na si Alex Wongchuking.
Si Wongchuking ay sinamahan ni dating NBI Deputy Director Reynaldo Esmeralda.
Kahapon ay sinabi ni Finance Sec. Sonny Dominguez na inutusan niya ang Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue na magsampa ng P2.2 Billion tax case laban sa Mighty Corporation na isa sa pinaka-malaking cigarette company sa bansa.
May kaugnayan ang kaso sa umano’y pamemeke ng kumpanya ng kanilang mga ginagamit na tax stamps para sa kanilang mga produkto na may brand names na Mighty, Astro at Union.
Noong nakalipas na linggo ay sinalakay ng mga tauhan ng BOC ang warehouse ng Mighty Corporation sa San Simon, Pampanga kung saan ay nakakumpiska sila ng 11,044 master cases ng mga Mighty cigarettes na may pekeng tax stamps kasama ang ilang brands ng mga damit.
Nagkakahalaga umano ng nasabing kontrabando ng mahigit sa P2 Billion.
Hindi pa kasama rito ang mga master cases rin ng sigarilyo na may counterfeit na tax stamps na kanilang nakuha sa General Santos City na nagkakalahaga naman ng P215 Million.
Sa pulong balitaan sa Malacañang kanina ay kinumpirma ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na may ilang mga mambabatas mula sa Mindanao ang nagtakang impluwensiyahan ang pangulo para maging maluwag sa kaso ng Mighty Corporation pero tumanggi naman siyang sabihin kung may kinalaman dito ang nasabing kumpanya.
Hindi umano nagustuhan ng pangulo ang nasabing tangkang panunuhol na nagpa-init sa kanyang ulo.
Tumanggi naman si Abella na sagutin ang mga tanong kung ang pangulo mismo ang nag-utos na madaliin ang kaso laban sa mga may-ari ng Mighty Corporation.
Sinabi ng kalihim na hintayin na lamang ang mga susunod na hakbang ng Department of Justice sa nasabing isyu.
Nagpaalala rin ang kalihim sa mga gustong manuhol sa pangulo na mag-isip muna dahil baka sila ang mapag-initan ng chief executive.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.