Nagsagawa ng pagsalakay ang Malaysian authorities laban sa “e-love scam” na kilala rin sa tawag na “African scam” sa nasabing bansa.
Sa ginawang operasyon ng mga otoridad, naaresto sa serye ng raid ang dalawang Malaysian at walong dayuhan na kinabibilangan ng pitong Nigerian at isang Pinay.
Nasabat mula sa mga suspek ang mga cellphones, bank-in slips, SIM cards, modems at laptops sa isinagawang raid sa Malacca at Selangor.
Pinaniniwalaang sangkot sila sa “African scams” na nambibiktima sa kanilang mga target mula sa Johor, Seremban, Selangor at Kuala Lumpur.
Ayon kay Kluang OCPD Asst. Commander Mohamad Laham dinala na sa Seremban police ang mga suspek.
Modus operandi ng grupo na gumamit ng pekeng larawan ng mga may-itsurang Europeans sa social media partikular sa Facebook at pagkatapos maghahanap ng maliligawang babae.
Kapag nakapambola na ng babae, kunyari ay padadalhan nila ito ng mga mamahaling regalo gaya ng alahas at cash pero para makuha ng biktma ang regalo, sisingilin siya ng bayad ng magpapakilala sa kaniyang tauhan ng Customs.
Isa sa mga nagreklamo ang 40-anyos na babae nasi Simpang Renggam na kinaibigan sa Facebook ng isang nagpakilalang Amerikano noong nakaraang taon.
Sa kaso ni Renggam, sinabihan siya ng suspek na may ipinadala itong mamahaling regalo sa kaniya. Matapos ito, nakatanggap siya ng tawag mula sa nagpakilalang Customs officer at staff ng courier company at hiningan siya ng bayad para makuha niya ang padala.
Nagbayad ang biktima ng RM4,000 (Malaysian Ringgit) pero wala naman itong nakuhang regalo.