Limitado na ang importasyon ng poultry products ng Japan, South Korea, Hong Kong at Taiwan mula sa Estados Unidos matapos na matuklasan ang unang kaso ng avian flu sa isang commercial chicken farm doon.
Sa South Korea, tuluyan nang nagpatupad ng ban sa pag-import ng US poultry at mga itlog makaraang makumpirma ang H7 bird flu virus sa Tennessee.
Sinabi ng agriculture ministry office ng South Korea na wala muna silang kukuning anumang poultry products mula sa US habang mayroong scare ng avian flu.
Habang sa Japan at Taiwan, hindi na rin kukuha ng poultry products mula Tennessee at maghihigpit naman sa importasyon ang Hong Kong.
Ang farm sa southern Tennessee kung saan natuklasan ang avian flu ang siyang nagsu-supply ng produkto sa kumpanyang Tyson Foods Inc. and Pilgrim’s Pride para ibenta naman sa ibang mga bansa.
Umabot sa 73,500 na manok ang kinatay nitong weekend sa farm sa Lincoln County, Tennessee.
Ang iba pang poultry products na nasa palibot ng naturang farm o nasa six-mile radius lamang ay isasailalim lahat sa pagsusuri at hindi muna ibebenta o ibibiyahe hangga’t hindi nagnenegatibo sa virus.