“Agam-agam kay Lascañas” sa OFF CAM ni ARLYN DELA CRUZ

Arthur LascanasPINANOOD, pinakinggan at sinuri ko ang mga pahayag ni retired SPO3 Arthur Lascañas nang humarap ito sa Senate committee on public order and security. Nagtiyaga din akong basahin ang nasa on-line images nang binansagang “Diary of Guilt” ni Lascañas.

Kung hindi ko nadinig ang mga pagtanggi ni Lascañas noong una, maaaring mas madaling tanggapin ang pahayag niya ngayon na buong-buo tungkol sa nabagabag niyang konsiyensiya, ang pagdalaw sa kanya ng “demonyo” sa panaginip, kaya nagpasyang magsabi na ng totoo.

Hindi ko na hihimayin pa yung pagkakasulat ng “guilt diary”. Hindi ko na rin sasabihin kung ano ang pagkakaiba nito sa kanyang pagsasalita. Puwedeng hindi magaling mag-Ingles sa personal pero magaling magsulat ng Ingles.

Ganito na lang, sa isang tulad ni Lascañas, na ang buhay ay nakatago sa dalawang mukha—una, mukha ng isang sana’y nagpapatupad ng batas at ikalawa, mukha ng dapat na dapat ay pinarurusahan ng batas, papasok at papasok ang agam-agam na tanggapin nang ganun na lamang ang kanyang mga pahayag.

May alam sa batas, may alam sa gawaing kriminal. Kung baga, alam na ang pasikut-sikot. Ibig sabihin, marunong magsabi ng kaunting totoo, kaunting kasinungalingan, maraming totoo, maraming kasinungalingan.

Kung titingnan ang testimonya niya sa Senado, may ilang tumutugma sa kanyang “diary of guilt” at sa kanyang isinumiting “affidavit” ngunit may mga bumabangga rin.

Yung bahagi ng kanyang pahayag na siya ay nabagabag, hindi ko kukuwestiyunin yun lalo pa kung sinasabi niya na nandun na ang takot niya na nasa impiyerno ang kanyang kaluluwa, hindi pa man siya namamatay.

Takot yun, eh. Puwedeng dati wala, puwedeng bigla na lang umusbong.
Pero minsan, ang takot ay manipestasyon ng galit.

Ito ang problema sa mga testigo na may motibo na magsalita nang laban sa isang taong nasa puwesto.

Ipinuntos iyon ni Senator Panfilo Lacson — sumama ang kanyang loob, bagay na hindi niya direktang inamin.

“To faithfully repent”—para malinis ang kanyang konsiyensiya. Mabigat na pananalita kahit saan mo tingnan. Pero tama ang pagtata-nong ni Sen. Manny Pacquiao, kinulang nga lang sa pagdiin o paghimay.

Kung sinasabi ni Lascañas na nagamit siya noon sa pagpatay, hindi malayong magamit o nagagamit din siya ngayon. Kung wala siyang naging tangkang transaksiyon sa isang ahensiya ng gobyerno, wala sanang duda na talagang nagtampo lang siya at hindi kasi napag-
bigyan.

May isa akong napansin, ewan ko kung nakita din ito ng iba na tumutok sa pagdinig sa Senado. Kung ano ang itsura niya, gawi, galaw, tono ng boses noong una siyang humarap sa Senado para kontrahin ang mga pahayag noon ni Edgar Matobato tungkol sa Davao Death Squad at umano’y kaugnayan at kumpas ng kamay dito ni noon ay alkalde ng Davao at ngayo’y Pangulong Rodrigo Duterte.

Parehong-pareho, walang pinag-iba. Ibig kong sabihin, sa isang nakikinig at nanonood na katulad ko o maaaring ako lamang, wala akong nakitang pitik o pakling sandal na mapaghihiwalay ko at matitimbang ang katotohanan sa una niyang Senate testimony at sa kanyang ikalawang testimonya.

Kung maka-Duterte ka — sinungaling na agad si Lascañas. Kung anti-Duterte ka naman, puwedeng bayani siya para sa iyo dahil isinuong ang kanyang buhay at buhay ng kanyang pamilya. Pero kung wala ka sa dalawang panig, andun ka sa estado ng agam-agam.

Ang masakit dito, dahil spiritual renewal ang pundasyon ng pagharap muli ni Lascañas sa Senado, baka ibang bagay naman ang nagamit dito?

Parehong binabanggit ng isang taong nagsasabi ng totoo at nagsisinungaling ang pangalan ng Diyos. Hindi ba may pasubali din ang Banal na Salita sa mga taong kay daling gamiting sangkalan ang pangalan ng Diyos?

Maniniwala ba ako kay Lascañas?

Ako ay may agam-agam.

 

 

 

 

Read more...