Lascañas, batid ang pagdududa ng mga senador sa kaniyang mga pahayag
Muling bumilib si Sen Ping Lacson sa huling tanong ni Sen Manny Pacquiao kay SPO3 Arthur Lascañas.
Ayon kay Lacson, ang chairman ng committee on public order, ang sagot ni Lascañas sa tanong ni Pacquiao ang nararamdaman ng maraming senador.
Magugunita na tinanong ng Pambansang Kamao si Lascañas ng kung sakaling sila ay magpapalit ng posisyon, ano ang iisipin nito sa pagbabago sa pahayag ng umaming miyembro ng Davao Death Squad?
Aminado naman si Lascañas na sakaling ganoon ang sitwasyon ay magdududa siya.
Giit ni Lacson, ito ang kanilang nararamdaman sa mga ibinunyag ni Lascañas sa walong oras na pagdinig.
Nauna na rin pinagdudahan nina Lacson at Pacquiao ang sinasabing spiritual renewal ni Lascañas kaya’t isinusugal na nito ang kanyang buhay sa pagsasabing totoo na lahat ang nilalaman ng kanyang 12-pahinang sinumpaang salaysay.
Banggit pa ni Lacson, posible na wala nang sumunod na pagdinig.
Samantala, tiniyak naman ni Sen. Antonio Trillanes IV, ang humirit ng pagdinig para kay Lascañas na hindi sila papayag sa minoriya na tinuldukan na ang pagharap ni Lascañas sa komite.
Ito rin ang paniniwala ni Sen. Kiko Pangilinan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.