Ginawa ito ni Lopez nang hindi alam ni Energy Sec. Alfonso Cusi, dahil naiinip na aniya siya sa napakabagal na proseso sa kagawaran.
Napag-alaman ng Inquirer na nag-text si Lopez kay Mario Marasigan na director ng Renewable Energy Management Bureau noong Setyembre.
Sa nasabing text message, kinukulit ni Lopez si Marasigan na maglabas na ng renewable energy service contract (RESC) para sa proyekto ng EcoGlobal Inc.
Iginiit niya sa naturang text message na mahalaga para sa bansa ang pagpili sa renewable energy, at na magiging maganda ito para sa Zamboanga.
Hindi naman aniya makakakuha ng subsidy mula sa gobyerno ang EcoGlobal at wala naman na aniya silang hinihinging anumang pabor mula sa pamahalaan.
Pinaalalahanan pa ni Lopez si Marasigan na ang ganito katagal na proseso ay taliwas sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte, dahil ayon sa protocol, 45 days lang ang dapat abutin nito at talagang huli na sa schedule si Marasigan.
Sa text message naman sa Inquirer, inamin ni Lopez na kinulit niya nga talaga si Marasigan dahil handa ang EcoGlobal na magtayo ng solar farm sa Zamboanga at hindi na umusad ang proseso sa gobyerno.
Nag-apply ang EcoGlobal ng RESC noon pang mid-2015, para sa isang 30-megawatt solar farm na magbibigay ng kuryente sa Zamboanga Peninsula, na nagkakahalaga ng $100-million.
Itatayo ito sa Zamboanga Freeport and Economic Zone sa Brgy. San Ramon, Zamboanga City.
Nalaman naman ng Inquirer ang tungkol sa pangungulit ni Lopez kay Marasigan, matapos maalarma ang dalawang empleyado ng EcoGlobal nang makita nila sa press conference ang kanilang boss na si John-Philippe Henry kasama si Lopez noong February 27.
Sa nasabing pulong balitaan inanunsyo ni Lopez na ang French public company na SIAAP ang mamahala sa Pasig River Rehabilitation program sa pamamagitan ng EcoGlobal Foundation, kung saan trustee si Henry.