Lascañas: Dela Rosa may alam sa operasyon ng DDS

Dela Rosa
Inquirer file photo

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sinabi ni dating SPO3 Arthur Lascañas na alam ni PNP Chief Ronald Dela Rosa ang operasyon ng Davao Death Squad (DDS).

Taong 1999, Noong si Dela Rosa pa lamang ang pinuno ng Intelligence Unit ng PNP Region 11 nang dukutin ng grupo ni Lascañas ang isang Taiwanese na nakaaway ni Charlie Tan.

Si Tan ay sinasabing nagmamay-ari ng isang night club at kaibigan ng anak ni Duterte na si Paulo na ngayon ay vice mayor ng Davao City.

May kasama umanong dalawang Pinoy ang nasabing Taiwanese ng ito ay kanilang dukutin kaya pinatay na rin nila ang mga ito at ibinaon sa isang quarry site base sa utos ng isa pang DDS leader na si SPO4 Sonny Buenaventura.

Makaraan ang pamamaslang ay tinanong umano siya ni Dela Rosa kung inimbestigahan nila ang kaso pero sinabi niyang wala silang ginawang imbestigasyon.

Huli na rin umano ng kanilang nalaman na sangkot din sa iligal na droga si Chairlie Tan kaya ang pakiramdam niya ay naging foot soldier sila ng isang drug personality.

Ikinuwento rin ni Lascañas na noong hepe ng Davao City PNP si Dela Rosa ay napatay nila sa isang enkwentro ang most wanted criminal ng Davao Del Sur na si Felicisimo Cunanan, alias Sgt. Sisi.

Pero dalawa sa mga tauhan nito ang kanilang nahuli ay kanilang dinala sa tanggapan ng Heinous Crime Office kung saan ay naghihintay sina Dela Rosa at noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Iniutos umano ni Duterte na patayin na ang nasabing mga suspek bago ito umalis sa nasabing tanggapan.

Pag-alis ni Duterte ay nagbigay umano ng instruction si Dela Rosa na kasuhan na lamang ang mga ito at siya na ang bahalang kumausap kay Duterte.

Read more...