‘Oplan Double Barrel, Reloaded’ aarangkada na muli ngayong araw
Ngayong araw muli ikakasa ng Philippine National Police ang pagpapatupad ng binagong bersyon ng ‘Oplan Tokhang’.
Ito ang inanunsyo ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa matapos mahinto ang naturang proyekto dahil sa kontrobersiyang idinulot ng pagkakapatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo ng mga umano’y scalawag cops.
Paliwanag ni Dela Rosa, kanilang inayos na ang mga naunang pagkakamali sa pagpapatupad ng naunang Oplan Tokhang upang hindi na makaporma pa ang mga tiwaling pulis.
Sa ilalim aniya ng binansagang ‘Oplan Double Barrel Reloaded, kanilang tinitiyak na hindi na magagamit ng mga scalawag policemen ang pagkakataon upang makapangotong.
Magkakaroon aniya ng dalawang bahagi ang proyekto.
Sa una, palalakasin ng PNP ang pagtugis sa mga high-value target (HVT).
Sa ikalawang bahagi, masinsinan nilang ipatutupad ang panibagong bersyon ng ‘Oplan Tokhang’ o pagkatok sa mga tahanan ng mga hinihinalang mga tulak at gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Sa binagong ‘Oplan Tokhang aniya, ang mga chief of police ang mangunguna sa operasyon at kasama dito ang mga lokal na opisyal ng barangay.
Bukod dito, idinagdag pa ni Dela Rosa na magiging mapagbantay rin ang PNP laban sa mga ‘vigilante groups’ na sinasamantala ang pagkakataon upang magsagawa ng mga extrajudicial killings.
Inimbitahan rin ni Dela Rosa ang Simbahang Katolika na samahan sila habang isinasagawa ang pagkatok sa mga tahanan ng mga hinihinalang drug personalities.
Umaasa rin si Dela Rosa na hindi na dadanak pa ang dugo sa kanilang pinaigting na Oplan Double Barrel Reloaded.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.