Mga biktima ng rent-tangay scam, hirap na bawiin ang kanilang sasakyan kahit narekober
Umalma ang ilang mga nabiktima ng rent-tangay scam sa umano’y matagal na proseso ng pagkuha ng mga narekober nilang sasakyan na nasa pangangalaga ng mga otoridad.
Ito’y dahil batay umano sa patakaran ng NBI at Highway Patrol Group ay kailangan munang magsampa ng kaso ng complainant laban sa mga sangkot sa rent-tangay bago ibalik sa kanila ang sasakyan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Atty. Francis Miranda, abugado ng ilan sa mga nabiktima ng naturang modus-operandi, imbis na mapadali ay mas natatagalan pa tuloy ang pagbawi ng mga car owner ng kanilang sasakyan dahil sa naturang patakaran ng NBI at HPG.
Kung tutuusin ay option aniya ng mga nabiktima na magsampa ng kaso o hindi para maiwasan na ang abala.
Samantala, sinabi rin ni Miranda na pormal na nilang sinampahan ng qualified theft sa Pasay City Prosecutors Office si Eleanor Rosales na isa sa mga sangkot sa rent-tangay scam.
Hindi rin isinasantabi ni Miranda ang anggulong may kasabwat na mas malalaking tao ang naturang sindikato lalo’t sa ilang mga pulitiko naibenta ang mga natangay na sasakyan.
Inihalimbawa pa nito ang isang SUV na narekober nila sa Marawi City bagaman hindi na niya binanggit kung sinong pulitiko ang nasangkot sa scam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.