Nagdeklara na ng giyera laban sa mga online trolls si Vice President Leni Robredo.
Sa kanyang pagsasalita sa social media forum na binuo ng Coalition for Better Education sa Cebu Eastern College, sinabi ni Robredo na dapat nang tuldukan ang pamamayagpag ng mga fake news sa bansa.
Sila umano ang nasa likod ng mga paninira at panlilinlang sa publiko para itago ang mga tunay na isyu na dapat malaman ng sambayanan.
“Let’s gather together an army of truth seekers, because though there are many trolls, I think there are more people who want the truth,” ayon sa pangalawang pangulo.
Aminado rin si Robredo na mula nang pumasok siya sa pulitika ay naging biktima na siya ng mga paninira online at ito ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.
Pinakahuli anya dito ay ang “NagaLeaks” na ginawa ng website na “We Are Collective” na ayon sa opisyal na naglalayong idiskaril ang kanyang mga ginagawang pagtayo sa ilang mga isyu na kontra sa kasalukuyang administrasyon.
Sa simula ay mas pinili umano niyang manahimik pero walang mangyayari kundi lalabanan ang mga online trolls na masyadong abala sa pagpapakalat ng mga maling impormasyon ayon pa kay Robredo.
Nangako rin ang pangalawang pangulo na mananatili siyang maingay sa pagpuna sa mga maling impormasyon na inilalabas ng pamahalaan bagaman alam niya na mas lalo itong magpapainit sa mga pag-atake sa kanya gamit ang cyber space.
Sa huli, sinabi ni Duterte na matalino ang sambayanan at alam nila kung ano ang katotohanan at kung ano ang mga inimbentong kwento lamang.