Dalawa patay matapos tambangan sa Commonwealth Ave., QC

By Cyrille Cupino March 04, 2017 - 05:34 AM

Kuha ni Cyrille Cupino
Kuha ni Cyrille Cupino

Patay ang dalawa katao matapos tambangan sa kahabaan ng Commonwealth Ave., Brgy. Holy Spirit, Quezon City.

Kinilala ang unang biktima na si Christina Padual, 30-anyos, dati umanong nagtrabaho bilang isang GRO.

Habang kinilala lamang sa alyas na ‘Alvin’, ang lalaking biktima na nakasuot ng pulang t-shirt at cream na shorts, tinatayang 25 hanggang 30 anyos.

Ayon kay Emily Mateo, BPSO ng Brgy. Holy Spirit, bumibili ng pakwan mula sa isang naglalako ang babaeng biktima.

Ang lalaki naman ay nasa kalapit na karinderya lamang at bumibili ng sigarilyo.

Pasado alas-onse nang bigla na lamang may tatlong naka-motorsiklo na dumating at pinagbabaril ang mga biktima.

Kwento pa ni Mateo, sangkot sa droga ang boyfriend ni Christina na si alyas ‘Melvin’ na una nang nahuli sa isang drug operation.

Nakuha rin sa bulsa ng babae ang mga drug paraphernalia tulad ng aluminum foil.

Wala namang nakuhang droga mula sa bulsa ng lalaki.

Ayon naman sa ama ni Christina na si Samuel Marino, hindi niya alam na gumagamit ng droga ang kanyang anak.

Narekober sa crime scene ang 14 na basyo ng bala.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman kung sino ang nasa likod ng nasabing pagpatay.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.