Gag order kaugnay ng mga kaso ni De Lima, inihain ng gobyerno sa korte

PNP Photo
PNP Photo

Hiniling ng mga state prosecutors sa Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 204 na pagbawalan ang lahat ng partido sa mga kaso laban kay Sen. Leila de Lima, na pag-usapan ito sa publiko.

Sa inihaing manifestation ni Senior Associate State Prosecutor Peter Ong, binanggit niya ang sub judice rule kung saan nakasaad na oras na naihain na sa korte ang mga kaso, hindi na dapat itong pag-usapan pa sa publiko.

Pinasasakop sa nasabing gag order si De Lima, ang kaniyang mga abogado at prosecutors, ang mga kapwa niya akusado at kanilang mga abogado, pati na si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II.

Ayon pa kay Ong, dapat pagbawalan na ang lahat sa pagkokomento, pagbibigay ng mungkahi, at pag-usapan ang mga merits ng kaso.

Ayon naman kay Senior Assistant City Prosecutor Leilia Llanes, kinokondisyon ng kampo ni De Lima ang isip ng publiko na mahina ang mga kaso laban sa senadora.

Nilinaw naman ni Ong na inilalatag lang nila ang sub judice rule, at hindi ito iniutos ni Aguirre.

Aniya, maari namang pag-usapan ng publiko ang kaso kung nanaisin nila, ngunit dapat manahimik ang mga partido.

Read more...