Dating LRTA admin Melquiades Robles, nag-pyansa na para sa kasong graft
Nakapag-lagak na ng pyansa si dating Light Rail Transit Authority (LRTA) administrator Melquiades Robles kahapon para sa kasong graft laban sa kaniya.
Una nang nakakita ang Sandiganbayan ng probable cause para ipaaresto si Robles dahil sa maanomalyang pagpapatupad ng janitorial contract sa ahensya noong 2009.
Naglabas rin ang korte ng hold departure laban kay Robles, 10 iba pang LRTA procurement officials, at dalawang pribadong indibidwal dahil sa kasong paglabag sa Section 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa ilalim kasi ng maintenance contract, kinuha ng LRT ang serbisyo ng COMM Builders and Technology Philippines Corp., PMP Inc., at Gradski Saobracaj GRAS para sa 321 janitors sa halagang P3.37 milyon kada buwan.
Gayunman, nagkasabwatan ang mga opisyal ng LRTA at ang joint venture para bawasan ang bilang ng mga janitors sa 219 na lang.
Nalugi ang gobyerno ng kabuuang P12.86 milyon noong taong 2009 dahil sa naturang maanomalyang kontrata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.