27 na kabilang sa inaresto mula sa compound ng mga Manalo, kakasuhan ng QCPD
Sa 32 katao na inresto mula sa compound ng mga Manalo sa Tandang Sora, Quezon City kahapon, nasa 27 ang maaring maharap sa kaso.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director, Chief Supt. Guillermo Eleazar, kabilang sa maaring masampahan ng illegal possession of firearms ang ang 17 lalaki at 10 babae.
Ang iba pang dinakip at dinala sa Camp Karingal ay kinabibilangan ng dalawang menor de edad kaya dadalhin sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) habang may tatlong babae na hindi naman talaga residente ng compound.
Sinabi ni Eleazar na nag-apply ng search warrant sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 106 matapos na magkaroon umano ng insidente ng pamamaril sa compound noong nakaraang Lunes.
Aniya, bagaman hindi pa tukoy kung sino ang nagpaputok, isang security guard na nagbabantay doon ang nasugatan.
Kahapon naman, habang ipinatutupad ang search warrant ay mayroon muling nagpaputok dahilan para masugatan ang dalawang tauhan ng QCPD.
Isa sa mga pulis ay kritikal ngayon ang kondisyon dahil sa tama ng baril sa tiyan.
Sa paghalughog kahapon sa compound, maraming armas ang nasabat ng QCPD kabilang ang
shotgun, M16A1 rifle, M2 carbine, M4 carbine, upper receiver infant 7 inches, rifle grenade, caliber 40 na may 2 magazine, springfield armory, at mahigit 100 mga bala.
Maguguntang kahapon, kabilang sa dinakip sa compound si Ka Angel Manalo at si Lottie Manalo, at ang iba pang naninirahan sa lugar.
Magdamag naman na namalagi sa Camp Karingal ang kanilang mga tagasuporta para magbantay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.