AFP, gagamit na ng missiles laban sa Abu Sayyaf Group
Bilang bahagi ng pagpapaigting ng opensiba ng pamahalaan laban sa Abu Sayyaf Group, bumili ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga gunboats na armado ng surface-to-surface missiles para sa Philippine Navy (PN).
Sa panayam ng Philippine News Agency (PNA) kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, ang pagbili ng mga nasabing surface-to-surface missiles ay bahagi ng modernization program ng AFP.
Hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang opensiba ng Joint Task Force Sulu, na pinamumunuan ni Army Col. Cirilito Sobejana, laban sa Abu Sayyaf sa Sulu mula pa noong Lunes.
Inilunsad nila ang operasyong ito matapos pugutan ng ulo ng bandidong grupo ang dayuhang bihag nito na si Jurgen Kantner na dinukot nila noon pang November 2016.
Ayon pa kay Lorenzana, ang paggamit ng mga naval gunboats na may surface-to-surface missiles ay nagpapakita lamang kung gaano ka-determinado si Pangulong Rodrigo Duterte na pulbusin ang Abu Sayyaf.
Base aniya sa pinakahuling intelligence report na kaniyang natanggap, aabot sa 300 na miyembro ng Abu Sayyaf ang armado ng matataas na kalibre na mga armas.
Bago pa man ang ginawa ng grupo kay Kantner, sinasalakay na ng Joint Task Force ang mga kuta ng Abu Sayyaf gamit ang 105mm howitzers, helicopter gunships ng Philippine Airforce, air-to-ground rockets at M60 machine guns.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.