Bangkok, niyanig ng pagsabog, 21 katao patay kabilang ang isang Pilipino
(Update) Isang malakas na pagsabog ang gumulantang sa commercial district ng Bangkok sa Thailand bandang alas siyete ng gabi.
Umakyat na sa 21 ang bilang ng mga nasawi at 123 ang sugatan batay sa pinakahuling ulat mula sa Erawan Medical Emergency Center.
Isang Pilipino naman ang kumpirmadong kasama sa mga nasawi.
Tatlo sa mga nasawi ay mga dayuhang turista. Ayon sa mga saksi, nagkalat ang mga bahagi ng katawan bunga ng pagsabog at tinatayang madaragdagan pa ang bilang ng mga nasawi.
Naganap ang pagsabog sa tapat ng Erawan Shrine sa Raiprasong intersection. Ang naturang Hindu shrine na sikat na pasyalan ng mga turista. Matao ang lugar at marami sa mga sugatan ay mula sa isang hotel malapit sa Hindu shrine.
Ayon kay Aek Angsanaond, deputy national police chief ng Thailand, isang motorcycle bomb ang sumabog.
Nagbabala ang mga otoridad ng posibilidad ng ikalawa at ikatlong pagsabog matapos na matagpuan ang dalawa pang magkahiwalay na kahina-hinalang bagay.
Nagkaroon ng kudeta sa Thailand noong Mayo ng taong 2014. Binuhat ang pamahalaan at humalili ang military-dominated na lehislatura. Nahalal at na upo si General Prayut Chan-o-cha bilang Commander ng Royal Thai Army at Punong Ministro.
Mahigpit na ipinagbawal ni Prayut ang pagtuligsa sa kanyang pamahalaan. Ang pagsabog sa central Bangkok ang pinakamalaking karahasang naitala mula ng maupo si Prayut bilang Punong Ministro./ Gina Salcedo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.