Hustisya, panawagan ng pamilya ng doktor na pinatay sa Lanao de Norte
Hindi pa rin matanggap ng pamilya ni Dr. Dreyfuss Perlas ang malagim na sinapit nito, habang nagvo-volunteer sa Lanao del Norte sa ilalim ng programa ng Department of Health (DOH).
Si Perlas ay napatay matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek, Miyerkules ng gabi, habang minamaneho ang kaniyang motorsiklo sa bayan ng Kapatagan sa Lanao del Norte.
Hanggang ngayon ay iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente, partikular na ang motibo at ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Si Perlas ay isang municipal health officer sa bayan ng Sapad, kung saan din siya nag-volunteer sa ilalim ng “Doctor to the Barrios” program ng DOH.
Nalaman ng kaniyang ama na si Dennis Perlas, koneshal sa Batan, Aklan ang sinapit ng isa sa kaniyang dalawang anak matapos tumawag ang kaklase ni Dreyfuss sa kaniya, bansang alas-9:00 ng gabi.
Ayon sa kapatid ng doktor na si Louella, nakiusap na sila noon kay Dreyfuss na magpalipat ng lugar dahil masyadong delikado sa kaniyang kinaroroonan.
Sa kabila aniya nito ay tumanggi ang doktor dahil napamahal na siya sa komunidad doon, at ayaw rin nitong iwanan ang kaniyang mga nasimulan na sa lalawigan.
Dahil dito, nananawagan ang pamilya Perlas na mabigyang hustisya ang pagkasawi ni Dreyfuss.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.