Tiniyak ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na mararamdaman ng mga “hayop” na Abu Sayyaf members ang galit ng sambayanan sa pamamagitan ng lakas ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Defense spokesperson Director Arsenio Andolong, lubhang ikinalungkot ni Lorenzana ang pagpugot ng Abu Sayyaf group sa dayuhang bihag nito na si Jurgen Kantner noong Linggo.
Pinersonal aniya ni Lorenzana ang ginawang ito ng bandidong grupo kaya tinawag niya ang mga ito na “animals” o mga hayop, dahil ang ginawa ng Abu Sayyaf ay hindi na aniya gawain ng mga tao.
Una sa lahat ani Andolong, inosente si Kantner at wala namang kinalaman sa kanilang mga Abu Sayyaf members.
Kinondena ni Lorenzana ang aniya’y “most heinous of crimes against humanity,” na ginawa ng isang grupong ginawa nang kabuhayan ang manakot at kumitil ng buhay ng mga inosenteng tao.
Naglabas na rin si Lorenzana ng gabay sa mga sundalo ngayong linggo para maipatupad na ang ilang mga mekanismo, tulad ng disposition ng mga sundalo.
Pero bukod dito, hinimok rin nila ang mga pinuno ng mga komunidad sa Mindanao na itigil na ang pagsuporta sa mga terorista.
Panawagan pa ni Andolong, ang kailangan lang ngayon ay ang pakikipagtulungan ng mga tao laban sa terorismo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.