HRW dapat maglabas ng ebidensya laban sa mga pulis na umano’y sabit sa EJK-PNP
Hiniling ng Philippine National Police (PNP) sa Human Rights Watch (HRW) na kasuhan ang mga pulis na umabuso sa kampanya ng administrasyon laban sa iligal na droga.
Ito ay matapos ilabas ng Rights watch ang kanilang report kung saan mga pulis umano ang syang pumapatay sa mga biktima ng vigilante killings at nagtatanim pa ng ebidensya para palabasing shootout ang pagpatay sa mga drug suspects.
Sa isang press briefing, hinamon ni PNP spokesperson, Senior Superintendent Dionardo Carlos ang Human Rights Watch na magsumite ng mga ebidensya na nagpapakitang lumabag ang mga tauhan ng PNP para makasuhan.
Ayon kay Carlos, ito umano ay taliwas sa resulta ng imbestigasyon ng PNP Internal Affairs Service kung saan sinabing walang kasalanan ang ilang mga pulis sa mga pagpatay.
Dagdag ng opisyal, sa 2,000 kasong inimbestigahan nila para sa posibleng paglabag ng mga pulis, 28 sa mga ito ang napanagot na habang dalawa naman ang kasalukuyang humaharap sa kasong kriminal
Samantala, kinuwestyon rin ng PNP ang datos na inilabas ng Human Rights Watch sa kanilang report na umaabot umano sa 7,000 ang mga namamatay sa gitna ng kampanya kontra iligal na droga ng administrasyon.
Ayon kay Carlos, hindi tama ang impormasyong ito ng Rights Watch dahil 682 mga kaso lamang ng pagpatay ang may kaugnayan sa droga at mahigit 800 kaso lamang ang mga naitalang street crimes.
Nanawagan din si Carlos na huwag i-generalize lahat ng mga naitalang namatay dahil 48,000 naman umano ang naaresto ng pulisya ng buhay.
Giit ni Carlos, hindi umano makatarungang tawaging crime against humanity ang ginagawa ng pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.