Kinumpiska ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang aabot sa mahigit 23 milyong pakete ng isang brand ng sigarilyo dahil sa pagtatagalay ng mga ito ng pekeng tax stamps.
Sa pagtaya ng BIR, aabot sa P696 million ang hindi nababayarang buwis ng Mighty Corporation, dahil sa pamemeke nila sa tax stamps ng mga ibinebentang Mighty cigarette.
Unang nakumpiska ang mga sigarilyo sa isinagawang raid ng BOC at BIR sa sales office nito sa General Santos City kung saan nadatnan ang 3.2 milyon na pakete na may pekeng stamps.
Sa hiwalay namang operasyon, mayroon ding nakuhang 20 milyong pakete sa warehouse sa San Simon Pampanga na peke din ang taglay na tax stamps.
Inaalam pa ng BOC kung sino ang nagrerenta sa mga sinalakay na warehouse.
Bukas, March 3, nakatakdang makipagpulong si BIR Commissioner Caesar Dulay sa mga kumpanya ng sigarilyo dahil sa paglaganap ng pekeng tax stamps.
Target din ng BIR na makapaglunsad ng bagong tax stamps na mayroong mas maayos na security features sa kalagitnaan ng taon para matiyak na hindi na ito mapepeke.