Mga pulis sa Calabarzon, handang sumabak ulit sa drug war, pero hindi na sa ‘Tokhang’
Muli nang pinasasabak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis sa giyera kontra iligal na droga.
Dahil dito, naghahanda na rin ang mga pulis sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) na muling tugisin ang mga sangkot sa iligal na droga, lalo na’t namamayagpag na naman ulit ang mga ito.
Ayon kay Calabarzon police director Chief Supt. Mao Aplasca, bago pa man ang desisyon na ito ng pangulo ay nakakatanggap na ang Philippine National Police ng mga resolusyon mula sa mga lokal na pamahalaan na nakikiusap sa mga pulis na ibalik na ang pagsugpo sa iligal na droga.
Aniya, hinihintay na lamang naman niya na may bumabang pormal at opisyal na kautusan mula sa pangulo at kay PNP chief Director Gen. Ronald dela Rosa.
Gayunman, sinabi ni Aplasca na hindi na nila gagamitin ang “Oplan Tokhang,” dahil magkakaroon sila ng malaking pagbabago sa kanilang mga drug operations oras na matanggap na nila ang go-signal.
Nabatid rin ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Calabarzon director Archie Grande, ang muling pamamayagpag ng bentahan ng iligal na droga sa rehiyon, base na rin sa kanilang intelligence reports.
Ani Grande, welcome sa kanila ang tulong ng PNP sa pagsugpo sa problema sa iligal na droga, lalo’t kulang talaga ang kanilang mga tauhan.
Idinaing rin ni Grande na malaki talaga ang naging epekto ng kidnap-slay case sa Koreanong si Jee Ick Joo sa kampanya laban sa iligal na droga.
Matagumpay na aniya kasi ang antidrug campaign ng pamahalaan sa unang anim na buwan, ngunit naglaho ang kanilang mga pinaghirapan dahil sa naturang kaso.
Dahil dito ay natuto naman na sila, at oras aniyang sumama na ulit sa kampanya ang mga pulis, magsasagawa sila ng mas mahigpit na screening sa mga officers na ipadadala sa mga anti-drug operations.
Mahigpit na rin aniya nilang babantayan ang pagsasagawa ng mga operasyon, bago pa man ang pagpapatupad nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.