African drug syndicate member nalambat ng PDEA

PDEA
Inquirer file photo

Arestado ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang Gambian national na ginagamit ang pangalan ng ahensya para mangikil ng pera online.

Ayon kay PDEA Director General Isidro S. Lapeña ang suspek na si Yusupha Bayo, alias KC/Katchi,  residente ng Banjul, Gambia, West Africa.

Si Bayo na pinaniniwalaang miyembro ng West African Drug Syndicate (WADS) ay napaglaman na naninirahan sa Pilipinas noon pang March 2013 ay sinasabing may live-in partner mula sa Camotes, Cebu at may dalawang anak.

Natuklasan ang operasyon ng suspek makaraang makatanggap ang PDEA ng mga reklamo mula sa mga tao na nakakatanggap ng e-mail mula umano kay Lapeña na nanghihingi ng P21,400 kapalit ng anti-drug clearance.

Ang Gambian national ay inaresto ng PDEA noong February 28 sa tulong ng  PNP Anti-Cybercrime Group habang kinukuha ang pera na ipinadala kunwari ng isa mga biktima nito sa isang local remittance center sa  Almanza Metropolis Condominium, Manila Doctor Village, Las Piñas.

Narekober mula kay Bayo ay isang plastic sachet na naglalaman na isang tableta na hinihinalang iligal na droga at isang cellphone.

Ito ay nahaharap sa kasong paglabag  Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), alinsabay sa Article II ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sasampahan din ito sa korte ng hiwalay na kaso ng identity theft at usurpation of authority.

Kaugnay nito, hinikayat ng PDEA ang publiko na isumbong ang mga gumagamit sa pangalan ng ahensya sa panloloko sa kanilang 24/7 mobile Hotlines: 09998887332, 09255737332 at 09279150616 o sa PDEA Hotlines: (02) 920-0735 at (02) 920-0736.

Read more...