Protesta ni dating Mayor Alfredo Lim vs Mayor Joseph Estrada, ibinasura ng Comelec
Mananatiling alkalde ng Maynila si Manila Mayor Joseph Estrada matapos na ibasura ng Commission on Elections (Comelec) ang protestang inihain ng mahigpit nitong nakalaban noong nagdaang eleksyon na si dating Mayor Alfredo Lim.
Sa resolusyon ng Comelec 1st division, ibinasura nito ang petisyon ni Lim na humihiling na mapawalang-bisa ang pagkakapanalo ni Estrada sa Maynila noong May 2016 elections.
Hindi pinanigan ng Comelec ang alegasyon ni Lim na ilegal ang ginawang pag-canvass ng boto ng City Board of Canvassers (CBOC) bunsod ng mano-mano umanong pag-upload ng resulta.
Ayon sa Comelec, ang petition for disqualification ni Lim laban kay Estrada ay hindi naihain sa tamang panahon batay sa isinasaad ng section 68 ng Omnibus Election Code.
Nakasaad kasi sa batas na dapat ang petition for disqualification ay maihain bago ang proklamasyon ng nanalong kandidato.
Sa kaso ni Estrada, inihain ni Lim ang petisyon noong May 18, 2016 o walong oras matapos maiproklama na ang nanalong alkalde.
Bigo din umano si Lim na maglabas ng ebidensya na magpapatunay na ilegal ang ginawang pagbilang ng CBOC.
Sa kaniyang petisyon, sinabi ni Lim na bago ang halalan, namahagi ang City government ng Maynila ng mahigit 7,000 tablet computers sa mga public school teacher noong April 2016.
Ani Lim, ginamit umano ang nasabing mga tablet ng Board of Election Inspectors para manipulahin ang secure digital (SD) cards bago makarating ang resulta sa Consolidation and Canvassing System (CCS).
Sa resulta ng eleksyon sa Maynila, nakakuha ng 283,149 na boto si Estrada kontra sa 280,464 na boto ni Lim.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.