Luzon Grid, isinailalim sa yellow alert ng NGCP dahil sa manipis na reserba ng kuryente
Isinailalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa yellow alert ang Luzon Grid dahil sa manipis na reserba ng kuryente.
Epektibo ang yellow alert mula kaninang alas 10:00 ng umaga (March 1) at tatagal hanggang alas 3:00 ng hapon.
Ayon sa NGCP, nasa 9,196 megawatts ang available capacity habang aabot sa 7,967 megawatts ang peak demand ng kuryente sa Luzon kaya nangangahulugang mahigit 1,000 megawatts lang ang reserba.
Sinabi naman ng Department of Energy (DOE) na ang dahilan ng pagnipis ng reserba ay ang pagbagsak ng dalawang power plant na San Gabriel at Kalayaan Unit 2.
Maliban sa hindi inaasahang shutdown ng mga nabanggit na planta, nakasailalim din ngayon sa shutdown ang Calaca 1 and 2, Malaya 1 and 2, QPPL, GN Power 1 and 2, at Sta. Rita Module 10.
Para maiwasan ang rotational brownout bunsod ng manipis na reserba, pinayuhan na ng Meralco ang mga consumer na tipirin ang paggamit sa kuryente.
Ang mga appliances na hindi naman ginagamit ay patayin at alisin muna sa saksak upang hindi na makadagdag sa konsumo.
Pinaghanda naman ang mga naka-subscribe sa Interruptible Load Program (ILP) ng Meralco para sa paggamit ng kanilang generator sets sa kaling tuluyang kapusin ang suplay ng kuryente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.