Matapos bigyang go-signal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabalik ng war on drugs ng Philippine National Police (PNP), mas epektibo at mas maigting na kampanya ang aasahan mula sa pambansang pulisya kontra ilegal na droga.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) director, Chief Supt. Guillermo Eleazar, sa lungsod, marami silang nakuhang sumbong mula sa mga barangay na nagbalikan sa kani-kanilang operasyon ang mga adik.
Ito ay matapos aniyang suspindehin ng PNP ang laban kontra ilegal na droga para sumentro sa internal cleansing.
Ngayong balik na muli ang PNP sa war on drugs, babala ni Eleazar sa mga adik sa lungsod, tapos na muli ang maliligayang araw ng mga ito.
Tiniyak din ni Eleazar na mas magiging epektibo ang kanilang sistema at gagawing operasyon.
“Pansamantalang suspensyon lamang naman po (ang ipinatupad), at sa amin pong pagbabalik layon namin na maging mas epektibo kami. After their happy hour, we will strike back,” ani Eleazar.
Samantala, sa hiwalay na panayam, sinabi ni PNP spokesman, Sr. Supt. Dionardo Carlos nap ag-aaralan na ng PNP ang ipatutupad nilang guidelines para sa matugunan ang atas ng pangulo.
Kabilang sa tutukuyin ang mga tauhang gagamitin sa war on drugs dahil may instruction si Pangulong Duterte na dapat tiyaking walang history ng katiwalian ang mga isasabak na pulis.