Dalawa katao ang nasugatan makaraang aksidente umanong mabaril ang mga ito ng isang police sharp shooter na nagbabantay sa seguridad sa kalagitnaan ng talumpati ni French President Francois Hollande.
Sa inisyal na report, nagtamo ng tama mula sa iisang bala ang dalawang biktima na nakikikinig umano sa talumpati ni Hollande sa Villognon, western France.
Sa isang kuha ng video camera, makikitang kasalukuyang nagsasalita si Hollande sa entablado habang pinasisinayaan ang isang fast train line nang biglang narinig sa background ang isang putok ng baril.
Sandaling natigilan si Hollande sa kanyang talumpati upang alamin ang pinagmulan ng putok.
Makalipas ang ilang segundo, ipinagpatuloy ni President Hollande ang kanyang talumpati.
Ayon sa ilang ulat, hindi umano naka-‘safety’ ang baril ng sharpshooter kaya ito pumutok at tinamaan ang dalawa katao.
Tinamaan ng bala sa paa ang isang waiter samantalang sa kanyang hita naman tinamaan ang isang worker ng train line.
Patuloy ang imbestigasyon sa naturang insidente.