Inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanya nang inatasan si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na muling buhayin ang mga anti-drug task force sa bawat himpilan ng pulisya.
Aminado ang pangulo na sadyang kulang ng puwersa ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDE) upang ganap na supilin ang droga.
Ito aniya ang dahilan kaya’t kailangan niya ang dagdag na puwersa mula sa hanay ng PNP upang ganap na masugpo ang problema ng illegal drugs.
Gayunman, mariin ang bilin ni Pangulong Duterte kay Dela Rosa na piliin lamang ang mga pulis na matitino at walang history ng corruption upang maging bahagi ng mga bubuuing task force.
Mananatili pa rin naman aniyang lead agency at supervising authority ang PDEA sa mga anti-drug operations.
Bawat operasyon aniya na gagawin ng PNP at AFP kontra iligal na droga, kinakailangang batid ito ng PDEA.
Ipinauubaya na rin ni Pangulong Duterte sa PNP kung kinakailangang muling buhayin ang ‘Oplan Tokhang’ kontra droga.