PNP, Muntinlupa judge, pinasasagot ng SC sa petisyon ni De Lima

PNP Photo
PNP Photo

Hindi agad nakuha ng temporary restraining order (TRO) ang kampo ni Senator Leila De Lima sa Korte Suprema kaugnay sa warrant of arrest laban sa kanya na inilabas ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204.

Nabigo ang kampo ni De Lima na agad maipawalang-bisa ang warrant of arrest na naging dahilan ng pag-aresto sa kaniya at pagkakakulong ngayon sa custodial center ng PNP-CIDG.

Sa halip, binigyan ng Supreme Court ang mga respondents sa kaso kabilang na si Judge Juanita Guerreo ng Muntinlupa RTC at ang PNP ng sampung araw para magsumite ng komento at sagutin ang petisyon ni De Lima.

Nagtakda rin ng oral arguments ang korte sa March 14, 2017 para dinggin ang panig ng magkabilang kampo.

Kahapon ay naghain ang mga abogado ni De Lima ng petition for certiorari and prohibition na humihirit na ipawalang-bisa ang arrest warrant ng Muntinlupa RTC Branch 204.

Nais din ng kampo ni De Lima na ipatigil ng SC ang lahat ng aksyon ng mababang korte sa kaniyang kaso na may kaugnayan sa illegal drug trade sa Bilibid.

Sinabi ng kampo ng senadora na walang hurisdiksyon ang Muntinlupa RTC sa reklamo ng Department of Justice (DOJ) laban sa kaniya at iligal ang naging mabilis na pagpapalabas ng arrest warrant.

 

 

 

 

Read more...