91-anyos na lolo, pagala-gala sa Mandaluyong bitbit ang P1.5M na halaga ng pera sa kaniyang bulsa
Isang 91-anyos na lolo ang natagpuang pagala-gala sa Mandaluyong City na mayroong mahigit isang milyong pisong halaga ng pera sa kaniyang bulsa.
Nagkataon na may mabubuting loob na nakatagpo sa hindi pinangalanang lolo, at dinala ito sa mga otoridad.
Nang malaman ng mga residente na mayroong malaking halaga ng pera sa bulsa ang matanda, ay dinala ito sa police station.
Pagdating sa istasyon ng pulisya, binilang ang bitbit na pera ng lolo kung saan mayroon itong halos tatlong daang pirasong 50 at 100 US dollar bills na kung susumahin ay aabot sa P1.3 milyon ang halaga.
Dala din niya sa kaniyang bulsa ang nasa apatnaraang piraso ng 500 at 1,000 peso bills na ang halaga ay nasa P276,000.
Ayon sa nasabing lolo, papunta siya sa sabungan kaya siya may dalang pera.
Pero ayon sa mga pulis, hindi nagkakatugma ang ilang pahayag ng matanda at marahil ito ay bunsod ng kaniyang edad.
Natunton ng mga otoridad ang kaanak ng lolo sa Pasig City mula sa bitbit nitong ID, at doon siya ibinalik ng mga pulis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.