Katatapos na People Power anniversary at pagharap sa senado ni Lascañas, walang kinalaman sa Senate revamp
Wala umanong kinalaman ang katatapos lamang na EDSA People Power Revolution anniversary at sa nakatakdang pagharap ni SPO3 Arthur Lascañas sa senado sa naganap na revamp kahapon.
Sa naturang revamp, inalisan ng kani-kanilang pinamumunuang komite ang mga senador na kasapi ng Liberal Party (LP).
Ayon kay Senate Presidente Aquilino “Koko” Pimentel III, tama lamang ang nangyari na matatawag aniyang “realignment”.
Ginawa lamang aniyang pormal ng senado ang pagiging minority ng ilang senador na noong una ay sumasapi sa supermajority.
Hindi naman aniya tuluyang inalisan ng komite ang mga senador at sa halip ay iniwanan sila ng tig-iisang komite.
“Tama lang ang nangyari, ang prediksyon kasi namin minority talaga ang kanilang kilos. Kahapon naisapormal lang na minority nga sila at naiwanan naman sila ng tig-iisang komite,” sinabi ni Pimentel sa panayam ng Radyo Inquirer
Ayon kay Pimentel, hindi naman na maiksi ang 7 hanggang 8 buwan na sumapi ang mga senador sa supermajority at ito na aniya ang tamang panahon para ilagay sila sa tamang linya at ituring na minorya.
Bunsod nito, magiging 18-6 aniya ang bilang sa senado, labingwalo ay majority at anim ay minority.
Lima sa anim na minorya ay sina Senators Bam Aquino, Kiko Pangilinan, Antonio Trillanes IV, Franklin Drilon at Risa Hontiveros.
Bagaman wala pang pormal na liham, sinabi ni Pimentel na inaasahan niyang sasapi din sa minorya si Senator Leila De Lima at siya ang pang-anim.
“Hindi ito tungkol sa EDSA, tungkol ito sa nakalipas na 7 hanggang 8 buwan na pagsasamahan bilang so called supermajority. Pero ang pakiramdam namin ay mayroon silang dalawang grupo sa loob. November, December ko pa nadidinig na mayroong dalawang samahan,” dagdag pa ni Pimentel.
Samantala, sa hiwalay na panayam, kinumpirma ni Hontiveros na magsusumite ngayon ng signed letter si De Lima para isapormal ang pagnanais niyang sumapi sa minorya.
Sinabi rin ni Hontiveros na matagal na nilang nararamdan na sasapitin nila ang nangyari kahapon sa senado kung saan inalis sila sa mga pinamumunuan nilang mga komite.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.