Duterte, inaming kilala si SPO3 Lascañas

 

Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na kilala niya noon si retired SPO3 Arthur Lascañas, na nagsasabing si Duterte ang namumuno sa umano’y Davao Death Squad (DDS) noong siya pa ay alkalde ng lungsod.

Ayon kay Duterte, nakaharap niya si Lascañas noon, isa o dalawang beses sa isang taon.

Nang tanungin naman siya kung nababahala ba siya sa magiging testimonya ni Lascañas sa Senado sa March 7, iginiit ng pangulo na ilang beses naman na niyang sinabi na daan-daang kriminal talaga ang namatay na kriminal sa Davao City noong siya pa ang alkalde.

Aniya, ito ay dahil inatasan niya ang Davao City police na habulin ang mga kriminal, at katulad lang ito ng kautusang ibinibigay niya ngayon sa Philippine National Police (PNP).

Inamin rin ni Duterte na totoong nagbibigay siya noon ng pera sa mga pulis, pero ito ay para gamitin sa mga buy bust operations.

Paliwanag niya, para mahabol ang mga nagbebenta ng iligal na droga, kailangang magkaroon ng bilihan at bentahan, kaya nagbibigay siya ng pera sa mga pulis.

Nagkataon lamang aniya na may mga tiwaling pulis na ibinubulsa ang perang ibinibigay niya para sa operasyon.

Read more...