“Paano nga ba isusulat ang katotohanan sa De Lima arrest?” sa OFF CAM ni Arlyn Dela Cruz

PNP Photo
PNP Photo

Tunay na makapangyarihan ang panulat. Sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan sa iba’t ibang panig ng daigdig, ang panulat minsan ay mas matalas, matibay, matapang at mapusok pa kaysa sa isang laksang mandirigma na tangan ang kani-kanilang armas pandigma.

Sabi nga, “the pen is mightier than the sword.”

Ang panulat ay isang porma ng pakikidigma, aminin man o hindi, ito ay malaki ang naiaambag sa pananaw, paninindigan, pagpili at pagpapasya ng mga nakababasa nito lalo na kung mayroong umiiral na tunggalian na ang pinaglalabanan ay ang mapagwagian ang isip at puso ng mamamayan o mas nakararaming mamamayan.

Sa gitna ng mga pangamba, agam-agam at pag-iral ng “fake news” at “alternative truth”, dito kailangan ang mas maaasahang pagbabalita, pagsusulat na nakabatay sa facts o katotohanan—wala nang iba pa. Ngunit ang katotohanan aminin din natin ay nakabatay sa kung sino ang nagsasalita, sino ang nagsasaad, sino ang tumitingin, at oo, kung sino ang nagsusulat.

Sa nangyari kay Senadora Leila De Lima, ano nga ba ang mga katotohanan na puwedeng pagbatayan ng pagsusulat at pagbabalita tungkol sa kung ano ba talaga ang kuwento?

Ano ang mga totoo o katotohanan (facts)?

Totoong kritiko siya ni Pangulong Rodrigo Duterte. Tinawag nga niyang numero unong criminal hindi ba? So checked! Totoo rin na siya ay may kinakaharap na reklamo sa korte kaugnay ng paglaganap ng ilegal na droga sa pamamagitan ng National Bilibid Prisons na nangyari noong siya ay Justice Secretary pa. Totoo na bago ang pag-aresto kay De Lima, may pagbaliktad na ginawa ang retired police officer na si SPO3 Arthur Lascañas na tahasang nagsasabing si Duterte noong mayor pa ng Davao City ang nasa likod ng Davao Death Squad at siya mismo ang nag-utos ng mga patayan sa naturang lungsod. Totoo din na hindi nagpasa ng kanyang counter affidavit ang senadora sa mababang korte na kung saan nakahain ang reklamong kriminal laban sa kanya na ang ibig sabihin, ang korte ang nagpasya na siya ay arestuhin. Totoo din na poder ito ng korte, ng mababang korte at kung kailan at kung paano napag-pasyahan na may “probable cause” para siya ay ipaaresto, poder din ng hukom sa mababang hukuman. Totoo din na may motion to quash, sa halip na counter affidavit ang inihain ng mga abogado ni De Lima. Totoo din na ang ilan sa mga tatayong testigo laban kay De Lima ay mga convicted personalities na aminadong sangkot sa ilegal na droga kahit pa nasa Bilibid na. Totoo din na may mga dating opisyal sa National Bureau of Investigation o NBI na ahensiyang nasa ilalim ni De Lima na akusado din sa kaso at nauna nang nagdiin sa kanya? Hindi ba nga alam na nating lahat kung bakit nailagay si Rafael Ragos sa NBI. Hindi ba nga, dahil sa rekomendasyon ni Ronnie Dayan?

Marami pang ibang katotohanan (facts), pero hihinto na muna ako sa mga nabanggit ko. Ano ang gusto kong puntusan?

Sa nangyaring pag-aresto kay De Lima, ano ba ang mas makatotohanang pagbabalita o pagsusulat tungkol dito? A. De Lima, numero unong kritiko ni Duterte, inaresto o B. De Lima, inaresto dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga. Alin sa dalawa?

Kung ikaw ay nasa ibang bansa na nakabasa ng balita, o pagkakasulat ng balita, A man o B—ano ang iisipin mo kung interesado ka sa nangyayari sa Pilipinas—Pilipino ka mang nasa ibang bansa o ibang lahi na nagbabasa ng balita mula sa Pilipinas?

Hindi ko sinasabing mali ang A at mas tama ang B, o mas tama ang A at mali ang B. Pareho silang tama.

Dito na papasok yung katotohanan kung paano tinitignan ang balita. Dito na papasok ang talim at talas ng panulat bilang isang armas. Kung A, mapapaisip ka, teka, dahil kritiko, pinaaresto na? Kung B, ang sasabihin mo malamang sa hindi, ah kaya inaresto kasi idinadawit sa illegal drugs. Ano ba ang mas dapat na malaman sa kuwentong ito lalo na sa pagbabalita sa labas ng Pilipinas? Ang bigyang diin na kritiko ng pangulo ng Pilipinas ang senadora o ang pagkakadawit ng pangalan niya sa ilegal na droga?

Sa pagbabalita ng katotohanan, lalo na sa dalawang magkabanggang katotohanan, ang talim at talas ng panulat ang gaganap ng papel kung paaano titignan ang panulat at pagbabalita.

Sa dulo, ang mambabasa, ang pipili ng katotohang papanigan o tatanggapin niya.

Read more...