Matagal na umanong ipinatupad ng pamahalaan ang phase out sa mga luma nang pampasaherong jeep ayon sa grupong Stop and Go Coalition.
Sinabi ni Jun Magno, presidente ng grupo, marami na ngayong jeepney operators ang hindi nakakapagparehistro ng kanilang sasakyan.
Ito ay matapos na magsimula nang maghigpit ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagrerehistro ng mga jeep.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Magno na kung noon ay sapat na ang mapalitan ang chassis ng jeep para ito ay mairehistro, ngayon ay mas naghigpit na sa registration.
Ayon kay Magno, ngayon ay kinakailangan nang palitan ang engine, chassis at body ng jeep bago ito mairehistro.
Sadyang magastos ito para sa mga operator lalo na kung higit sa isa ang kanilang pampasaherong jeep.
“Marami na ngayong operators naming ang hindi na nakakarehistro. Kailangan daw palitan ang engine, chassis at body. Ngayon kahit mapalitan mo chassis mo at makina pero hindi mo pinalitan ang body mo ‘di ka makarehistro,” Sinabi ni Magno
Hindi naman ikinabahala ni Magno ang banta ng LTFRB na tatanggalan sila ng prangkisa dahil sa pagsasagawa ng tigil-pasada.
Aniya, handa silang sabay-sabay na isurender ang kanilang mga jeep sa LTFRB kapag tinanggalan sila ng prangkisa na tiyak na magreresulta sa pagkaparalisa ng biyahe at matinding perwisyo sa mga commuter.