Mahigit 200 residente sa Davao del Sur, lumikas dahil sa bakbakan ng mga sundalo at NPA
Umabot na sa mahigit 200 residente ng Sitio Mahayahay sa Brgy. Alegre sa Bansalan, Davao del Sur na ang lumikas dahil sa bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at rebeldeng New People’s Army.
Sinalakay ng mga sundalo ng 39th Infantry Battalion ang Barangay Alegre matapos mapag-alaman na may kampo doon ang rebeldeng grupo, at doon na naganap ang bakbakan na inabot ng mahigit isang oras laban sa tinatayang 30 miyembro ng NPA.
Nagsagawa pa ng airstrike ang 102nd Brigade ng Philippine Army sa nasabing operasyon, at gumamit rin sila ng 150 Howitzer laban sa rebeldeng grupo.
Dahil dito, napilitan ang mga residente ng Sitio Mahayahay na lumisan sa kanilang mga tahanan bunsod ng takot na maipit sa gulo, at tumungo na lang muna sa Sitio Pluto ng Barangay Managa.
Sa ngayon ay hindi pa pinapayagan ng lokal na pamahalaan ang mga lumikas na residente na makabalik sa kanilang mga tahanan dahil hindi pa tapos ang clearing operations ng mga sundalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.