Mga transport groups sa Visayas, sasabay na rin sa strike

 

Inquirer file photo/CDN

Makikisabay na rin sa pagsasagawa ng strike ngayong araw ang mga transport groups sa Visayas, para i-protesta ang phaseout ng mga public utility vehicles (PUV) na may edad 15 taon na pataas.

Inaasahang maaapektuhan ng strike ang mga lalawigan ng Aklan, Capiz, Iloilo, Negros Occidental at ilang bahagi ng Cebu.

Ayon sa No To Public Utility Jeepney, Public Utility Bus, Asian Utility Vehicle Phaseout Coalition sa Panay, inaasahang dadalo sa strike ang mga drivers at operators ng mga jeep, bus, vans at maging ng mga tricycles.

Kasapi sa nasabing kowalisyon ang Iloilo City Loop Alliance of Jeepney Operators and Drivers Association, Confederation of Iloilo Provincial Jeepney Operators and Drivers Association, Hugpong Capiz, Federation of Aklan Integrated Public Transport, Inc. at Pinag-isang Samahan nga mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston).

Tinatayang nasa 700 na miyembro naman ng Piston-Cebu ang inaasahang sasali sa strike, na magsisimula alas-4:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.

Bukod dito, magsasagawa rin sila ng rally sa harap ng opisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang mga nasabing miyembro.

Ayon sa tagapagsalita ng Piston sa Panay na si Edgar Salarda, tutol sila sa nasabing phaseout dahil mapipilitan ang mga operators na bumili ng electric at Euro 4 engine na mga jeep sa ilalim ng pamamahala ng isang private fleet company.

Maaapektuhan aniya ng implementasyon nito ang nasa 600,000 na pasahero ng mga jeep sa buong bansa, kabilang na ang 12,000 sa Western Visayas.

Katwiran pa ni Salarda, mawawalan ng kabuhayan ang nasa 50,000 na drivers, operators at maliliit na negosyante sa Panay at Guimaras pa lamang.

Kakailanganin rin aniya ng mga public jeepney operators ng kapital na hindi bababa sa P7 milyon para lang makapag-operate ng 20 jeep.

Samantala, nagsabi naman ang dalawang major transport roups na Iloilo City Alliance of Drivers Association at Iloilo City Alliance of Jeepney Operators and Drivers Association, na hindi sila sasali sa strike.

Ilang paaralan na sa Iloilo City ang nagsuspinde ng klase, habang wala namang class suspension sa Cebu.

Read more...