Binasag na ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang kanyang katahimikan kaugnay sa balitang may mga grupo umano ang nasa likod ng pagpapabagsak sa administrasyong Duterte.
“Tayo…uulitin ko, publicly sa harap ng lahat…pare-pareho tayong Pilipino, ang interes namin talagang mapuntahan ng Pilipino ang dapat niyang kalalagyan….ang katotohanan ay nag-aalok nga kami sa kanya ng tulong”, ayon kay Aquino.
Sa kanilang pag-uusap nang dumalo si Aquino sa kauna-unahang National Security Council na ginanap sa Malacañang, sinabi ng dating pangulo na si Duterte ang nagsabi na kailangan niya ng tulong ng mga dating lider ng bansa.
Kaagad naman daw siyang tumalima dito kaya walang siyang balak o ang kanilang partido na maglunsad ng destabilisasyon laban kay Duterte.
Sinabi naman ng Liberal Party President Kiko Pangilinan na nakahanda pa rin silang makipagtulungan sa pamahalaan pero kailangan din nilang isulong ang kanilang adbokasiya tulad ng pagrespeto sa human rights.
Hinihintay ng lahat ang magiging talumpati ng dating pangulo pero sinabi ni Sen. Bam Aquino na hindi na magsasalita sa entablado si ex-PNoy.
Si Aquino ay sinamahan ng ilang mga dating miyembro ng gabinete at mga LP senators sa kanyang pagdalo sa selebrasyon kaugnay sa anibersaryo ng EDSA People Power.