Makikiisa ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa mga magsasagawa ng programa sa EDSA People Power monument kaugnay sa ika-31 anibersaryo ng EDSA revolution.
Partikular na itutulak ng grupo ang pagpapalaya sa lahat ng mga political prisoners sa bansa at ang umano’y malawak na militarisasyon sa mga lalawigan.
Kaninang umaga ay nauna nang dumating sa kanto ng EDSA at White Plains ang grupo ni Father Robert Reyes na kinundena naman ang unti-unting pagbabalik sa kapangyarihan ng mga Marcos.
Makaraan ang ilang minutong pagsasagwa ng programa ay kaagad ding umalis ang grupo para mag-martsa patungo sa Libingan ng mga Bayani kung saan ay kanilang hihilingin ang pagpapahukay sa puntod ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Inaasahan na magpapatuloy ang pagdating mga makikiisa sa mga programa sa People Power monument hanggang mamayang hapon kasabay ng palatuntunan ng mga Pro-Duterte groups sa Luneta.