Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na muli silang nagpulong ni Senator Grace Poe.
Ang nasabing kumpirmasyon ay binanggit ni Roxas sa pagdalo niya sa seremonya ng pamamahagi ng patrol cars sa mga lokal na pamahalaan sa CALABARZON region na ginanap sa Camp Vicente Lim sa Laguna.
Ayon kay Roxas, kasama sa pinakahuli nilang pulong ni Poe ang mister nito na si Neil Llamanzares at inaasahang masusundan pa ang pulong. “Nag-usap kami (ni Poe) sa mga nakaraang araw at meron pang naka-schedule sa mga darating na araw,” ayon kay Roxas.
Hindi naman nagbanggit si Roxas ng detalye sa naging takbo ng kanilang pag-uusap ng senadora. Hindi rin sinabi ni Roxas kung kailan at saan naganap ang pagpupulong.
Sa mga nagdaang pulong sa pagitan ni Roxas at Poe ay kasama si Pangulong Benigno Aquino III. May pagkakataon ding kasama sa pulong si Senador Francis Escudero.
Sa kabila ng ilang ulit nang pagpupulong na sinasabing bahagi ng panliligaw ng partido liberal kay Poe para mapapayag itong tumakbong bise presidente ni Roxas ay hindi pa rin nakakabuo ng pasya ang senadora./ Inquirer Southern Luzon, Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.