Muling inulit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya nagpapapatay ng kanyang mga kaalitan lalo na kung may kaugnayan ito sa pulitika.
Sa kanyang talumpati sa turn over ng rehabilitation facility na donasyon ng Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry sa Sitio Maag, Brgy. Peñaplata, IGACOS, Davao del Norte ay kanyang sinabi na siya mismo ang humahamon ng harapan sa kanyang mga kaaway.
Ito ang tugon ni Duterte sa naging pahayag ni dating SPO3 Arthur Lascañas na ang pangulo ang siyang nasa likod ng mga pagpatay na kinasasangkutan ng Davao Death Squad.
Sa kanyang pahayag ay muling sinabi ng pangulo na 6,000 na tauhan ng Philippine National Police kabilang na ang siyam na mga heneral ang sangkot sa illegal drug trade sa bansa.
Muli ring inulit ng pangulo ang pagkakasangkot sa iligal na droga ng pinsan ni Sen. Franklin Drilon na si Iloilo City Mayor Jed Mabilog at dating Cebu City Mayor Mike Rama.
Ipinaliwanag rin ng pangulo na tuloy ang kanyang kampanya kontra sa droga sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos na kanyang nakukuha dahil ito raw ang pangunahing problema ng bansa sa kasalukuyan.