De Lima, 8 a.m. na aarestuhin base sa kasunduan

By Kabie Aenlle February 24, 2017 - 01:07 AM

de-limaHindi na naisilbi ng arresting team ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang warrant of arrest laban kay Sen. Leila de Lima sa Senado kung saan siya nagtungo matapos siyang umuwi sa kaniyang tahanan sa Parañaque.

Dahil hindi maaring diretsong arestuhin ng CIDG si De Lima habang nasa loob ng kaniyang tanggapan, nakipag-usap ang arresting team sa opisina ng sargeant at arms ng Senado.

Halos magha-hatinggabi na nang makabuo ng kasunduan ang opisina ng sargeant at arms ng Senado at ang mga tauhan ng CIDG na aarestuhin na lamang si De Lima pagsapit ng alas-8:00 ng umaga ngayong Biyernes.

Una nang umuwi si De Lima sa kaniyang bahay para doon sana muna magpalipas ng gabi bago kusang sumuko sa mga otoridad alinsunod na rin sa arrest warrant.

Napagkasunduan aniya nina Senate President Koko Pimentel at Interior Sec. Ismael Sueno na payagan si De Lima na umuwi muna, gayunman, sinundan pa rin siya ng CIDG hanggang sa kanilang village sa Parañaque.

Hinala ni De Lima, utos ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa na ituloy pa rin ang pagpapa-aresto sa kabila ng nauna nang kasunduan sa pagitan nina Pimentel at Sueno, na pinuno ni Dela Rosa.

Sa pagbalik ni De Lima sa Senado, iginiit niya muli na wala siyang balak umalis, tumakas o mag-tago.

Dagdag pa ni De Lima, kung iginagalang ng mga ito ang Senado bilang institusyon, hindi dapat pilitin ng CIDG na pasukin ito para siya ay arestuhin.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.